Saturday, March 05, 2005

Limang Tula

Hamog

sa buong gabing paggala

.......................................ay sandaling mamamahinga

.......................................at yayakap
......................................................sa dahon
..........................at paunti-unti
..................................sa dahan-dahan
...............................................ay gagapang
.........................................at............ hahatakin
.................................. ang. iba. pang mga hamog
................................na......... nagsapawis sa pagod
...............................at....... sa... marahan
...............................ay.......... payuyukuin ang dahon
................................sa kanilang .................pagtipon
.................................sa may...................... duluhan
....................................upang................. mahulog
..........................................at masipsip








................................................ng tigang













..................................................na lupa.



Kagabi, Ang Mga Salita'y Nagnais

Kagabi, ang mga salita'y nagnais
kumawala at magsatitik,
magsatula at magsa-awit,
..............................humulagpos
...................mula sa aking dibdib.
Walang magawa ang kumot
kong pilit ko mang ikumot
ay pilit ring inalis—tinupi ba,
o hinagis? sa sahig—
ng mga nagliparan na,
nanguulit, nangalabit,
at ayaw akong patuluging mga salita;
ng tulang pag-ibig pilit akong pinagagawa.
Nag-ingay kagabi ang mga salita
na hindi ko pa naisasalita.



Sayaw

Marami nang mga kanta
ang nasayawan kong ang himig
ay hindi marinig ng iba.

May pagkamarami rin naman at iba-iba
ang naging mga kapares kong
hindi ko kaharap
hindi ko yakap ang baywang
hindi ko hawak ang kamay.

Maraming beses rin akong nag-ensayong mag-isa
at pilit sinaulo ang mga hakbang
pihit ng balakang
indayog ng baywang at pagsabay
sa iniimadyin kong kapares;
ingat lang,
sobrang ingat
nang ang paa niya ay hindi ko maapakan.

Mahirap din ang ganun:
ang ulo ko’y palaging nakayuko
at nasa sahig ang mata,
habangbuhay na bantay-iwas sa hakbang niya
(kung sino man siyang ngayo’y kapares ko),
kahit na kung minsa’y nadadarang na rin
akong magpadala na lang
basta magpadala na lang
kahit saan.......................magpabaya
magpaanod ....................sa daloy
sumabay........................ sa himig.

Pero iba ang sayaw na may kapares.

Sana matuto na akong sumayaw.



Isang Gabi Sa Boarding House

Kung ang bolpen ko ay lapis:
ubos na sa kakakagat ko ang puwit nitong eraser.
Kung ang papel ko ay awit:
walang boses na maririnig, puro lang himig.

Masaya ko lang naiisip ang konsiyerto natin kanina,
saksi ang ligaw na tuko sa inyong kisame:
hindi marinig ang sinok na nalunod
sa pinalakas na bolyum ng iyong cassette player
na sinabayan natin ng ating pagkanta.
Lumulukso’t sumasayaw pa rin sa harap ng aking mata
ang bawat larawan ng ating konsiyerto.
Ang bawat giring, bawat indayog.
Pinipigilan lang natin ang ating mga sariling
mapasigaw
sa sobrang pagkamangha
sa sayaw, sa awit
na sa ati’y nagdadala
dahil baka pumasok sa panaginip
ng mga nasa kabilang kuwarto
ang ating mga kanta.
Feel na feel na sana nating
magpa-autograph
sa ating mga sariling ngayun-ngayon lang
nakaramdam ng pagiging bida.
Ngayun-ngayon lang,
kani-kanina.

Pero sa ngayon,
ipinaaalala na sa akin
nitong hawak kong bolpen
na hindi ko pa pala naisusulat
ang assignment ko para bukas.
Kaway na rin nang kaway sa akin
nitong malinis pang papel
sa may ibabaw ng mesa.

Pero ayaw ring patalo nitong ngiti kong
hindi pa rin matanggal-tanggal
sa aking mga labi.



Alay Kay Mikee, Anak Ng Pinsan Ko

Ang una ay noong kay Meg,
at ngayon, ikaw.
Pero tingin ko iba ka.

Hindi pa nga ikaw ngunit ikaw na rin iyon:
pabuo, pabilog, paikaw pa lang.
Mantakin mong hindi ka pa nga nakaririnig
ay napuno na ng tutuli yang tainga mo
sa sandamukal na homily na pinatugtog
nina Tito at Tita kay mommy mo
(—gaya rin sa noong una, kay Mommy ni Meg).
Ewan ko nga lang kung nakinig siya sa kanila noon
(—ganoon rin siguro ang kay Mommy ni Meg).
At ewan ko lang ha (ulit) kung magiging katulad ka man lang ni Meg
(o kahit man lang nga maging malapit sa pagiging katulad niya).
Made in Singapore ka nga,
kaso lokal pa rin ang materyales mo.
(Kaya nga sa tingin ko iba ka, eh.)

Hindi naman sa mas kyut si Meg kaysa sa iyo, ano,
o dahil sa may pagka-totoong mapango ang ilong mo.
Si Meg, hindi nga matangos ang ilong pero, at least,
kita naman sa ilong ni Daddy niya.
(Sa pangatlong beses, talagang ewan ko na ha,
pero sabi nila ay Igorot daw ang tatay mo?)
Pero wala naman yun sa papangu-pango o pataasan ng ilong, ‘di ba?
Pero nga. Papaano ka na lang? Sa balang araw?
Ha?

No comments: